Nang makipag-shake ang FTT sa EPG, makikita parin ang pagiging competitive sa kanilang mga ekspresyon, hindi naman iyon pinagtuunan ng pansin ng FTT at simpleng iniunat lang ang kamay. Nang magharap si Just at Kirsty tiningnan ni Just si Kirsty at sinabing---
"Easy target."
Kirsty: "."
Jacian: "..."
Nakasunod siya kay Just at hindi niya maiwasang hindi mabigla nang marinig ang sinabi ni Just. Napakurap si Jacian. Tina-trash talk ba ng kanilang captain si Kirsty? Hindi mapigilang tanong niya at pasimpleng sinilip ang ekspresyon ni Kirsty, nababakasan din ng pagkabigla ang mukha ni Kirsty at halatang hindi rin nito in-expect na i-tatrash talk siya ni Just. Ngunit mabilis ding nabahiran ng pagkapikon ang buong mukha ni Kirsty at hindi nito matanggap ang sinabi ni Just, gumalaw ang panga niya na animo'y gusto niyang gumanti ngunit hindi niya alam kung paano. Sino nga ba naman ang hindi bababa ang tingin sa sarili kung ang Great Demon King na ang nan-trash talk, ang pinakamalakas na jungler sa PKL.
Tinapos lang nila ang pakikipag-shakehands sa EPG at bumalik sa break room, sinabi naman ng referee na kailangan nila ng interview ng MVP kaya nilinga nila si Just na siyang MVP ng match. Sinabi naman ni Just na ayaw niyang magpa-interview at si Lucky nalang dahil si Lucky din naman ang sinundan ng MVP. Hinintay nilang matapos ang interview ni Lucky bago sila bumalik sa base.
Natapos na ang match nila sa EPG at GOT-G nalang ang huli nilang kakalabanin bago matapos ang regular season. Ang sabi ni Mrs. Sojurn nung nakalaban nila ang GOT-G sa third round ng regular season, kahit hindi na nila maipanalo ang buong series dahil makakalaban parin naman nila ang GOT-G sa last round. Sinabi sa kanila ni Mrs. Sojurn na sa last round na sila ng regular season bumawi para makapag-focus sila sa HUV at EPG.
May tatlong araw pa naman bago nila makakalaban ang GOT-G pero dahil sinabi ni Mrs. Sojurn na babawi sila sa last round, kailangan nilang bumawi. Hindi lang din iyon para sa kanilang team kundi para patunayan sa mga fans at nanonood na mayroon pa silang lakas na kayang patunayan.
Dahil maganda ang result ng kanilang match ngayon at na 2-0 nila ang EPG, nag-order si Mrs. Sojurn ng late night snacks habang nasa byahe. Pagkatapos nilang magbihis pumunta sila sa living room para kumain ng in-order ni Mrs. Sojurn na late night snacks, naroon din si Gretil habang kumakain ng fries.
Nagkwentuhan sila sa living room kasama si Mrs. Sojurn ngunit maya-maya lang tumunog ang cellphone nito at makikitang tumatawag si Coach Dang, naka-video call iyon kaya pinatong ni Mrs. Sojurn ang kanyang cellphone sa pinapatungan ng TV at sinandal doon.
Nang makita nila si Coach Dang, kaagad silang kumaway para batiin ito.
"Coach, miss ka na namin." Saad ni Lucky na siyang nakasalampak sa carpet.
"H'wag mo akong lokohin, mas mahalaga sa'yo 'yang kinakain mo." Sagot ni Coach Dang na ikinatawa nila. Tiningnan niya ang mga players ng FTT para hanapin si Jacian ngunit hindi niya ito makita. "Nasaan si Boss?"
Kumukuha naman si Jacian ng tubig sa water dispenser na nasa gilid ng TV at nang marinig ang sinabi ni Coach Dang, humarap siya sa cellphone at kumaway.
Ngumiti si Coach Dang. "Congrats sa inyo, ang laki ng improvement niyo ngayong season mukhang mas magaling yata si Mrs. Sojurn mag-coach kaysa sa akin. Siya nalang ang coach niyo buong season." Biro ni Coach Dang.
Hindi pa naranasan ni Jacian mag-coach si Coach Dang dahil buong regular season itong wala, ngunit sinabi ni Lucky na sa lahat ng coach si Coach Dang ang pinakamasaya mag-coach. Wala rin namang pinagkaiba si Mrs. Sojurn kay Coach Dang pagdating sa strategy ng pagkuha ng line-up kaya hindi siya maninibago. Hindi naman iniisip ni Jacian kung sino ang magiging Coach nila dahil mabilis siyang mag-adjust, ngunit bago siya pumasok sa FTT pinanood niya ang coaching ng FTT at isa iyon sa nakakuha ng atensyon niya. Gusto niyang maranasan ang coaching ni Coach Dang dahil alam niyang marami siyang matututunan.
Nangako si Coach Dang sa kanila na kapag natalo nila ang GOT-G kahit isang beses sa huling round manlilibre siya sa labas. Na-2-0 sila ng GOT-G nung third round kaya kailangan nilang bumawi ngayon.
Pagkatapos nilang kumain, sinabihan sila ni Mrs. Sojurn na may training kaagad sila bukas. Masyadong mababa ang kanilang win rate sa GOT-G at kailangan nilang mag-training sa loob ng tatlong araw para pag-aralan ang kanilang strategy. Napansin naman ni Mrs. Sojurn na kaya nilang gamitin ang strategy na si Da Qiao ang mid, naniniwala siyang kayang paganahin ng FTT ang ganung line-up sa GOT-G sad'yang hindi lang nila na-practice ng mas mahabang oras dahil itinuon nila ang kanilang atensyon sa EPG.
Inunahan na kaagad sila ni Mrs. Sojurn na wala munang magpapahinga simula bukas dahil sunod-sunod na ang kanilang training. Gustong isuka lahat ni Lucky ang kanyang mga kinain nang marinig ang sinabi ni Mrs. Sojurn, kakatapos lang ng kanilang match ngunit wala nanaman silang tulog para mag-training. Regular season palang pero parang playoffs na sa FTT.
Madilim pa ang kalawakan nang magising ang mga players ng FTT, maaga silang nagpahinga kagabi ngunit bago sila natulog nakita nila ang chat ni Mrs. Sojurn sa kanilang gc na 6 a.m magsisimula ang kanilang training bukas. Magulo pa ang kanilang buhok at inaantok pang bumaba sa second floor para pumunta sa break room, pumasok muna sila sa break room para mag kape habang inaayos pa ng mga staff ang kanilang equipment. Nang makita nila ang chat Mrs. Sojurn na p'wede na silang pumunta sa training room lumabas na sila sa break room at dumeritso doon.
Inaantok pa si Lucky ngunit kailangan nilang mag-training para manalo sa GOT-G, isa pa ililibre sila ni Coach Dang.
Maagang nagsimula ang kanilang training at nakadalawang katok ang kanilang lead coordinator para maghatid ng meryenda. Ilang oras nag-dou Q sina Jacian at Just dahil kailangan nila ng malalim na tacit understanding kay Da Qiao at Li Bai, pagkatapos mag-Q nilang dalawa, nag-Q naman sina Jacian at Gem. Maliban sa jungler kinakailangan din ng roamer ng malalim na tacit understanding sa mid laner, malakas naman ang tacit understanding nina Jacian at Gem dahil madalas din silang mag-dou sa mga nagdaan nilang match sa regular season gamit ang Princess Frost/Liang combo. Hindi na nila kailangang magsalita dahil pareho na nilang alam ang gagawin ng isa't isa.
Habang nag-doudou Q ang apat na players ng FTT nag-sosolo Q naman si Blue sa Chinese server. Hindi naman kinakailangan ng malalim na tacit understanding sa clash laner dahil madalas 1v1 lang ang nangyayari sa taas, sumasama lang silla sa kanilang teammates kapag maganda ang sitwasyon sa clash lane dahil kailangan ng assist sa ibang lanes at teamfight, ngunit hindi talaga ganun kinakailangan ang tacit understanding sa clash laner kumpara sa jungler at support kaya hindi na naglaan ng oras si Mrs. Sojurn na mag-Q sina Jacian at Blue.
Habang nasa loob sila ng training room lumilipas ang oras at araw. Nang lumabas sila sa training room para maghapunan bukas na kaagad ang kanilang match sa GOT-G.
Sunod-sunod ang training nila kaya maaga silang natulog kinagabihan para hindi na sila antukin bukas, halos wala silang tulog dahil madaling araw na natatapos ang kanilang training at makikita sa kanilang mga mukha ang puyat.
Mabilis na lumipas ang gabi at animo'y kulang iyon para mawala ang kanilang antok, inaantok pa si Jacian nang magising siya dahil sa sikat ng araw na nanggagaling sa bukas niyang bintana. Humiga pa siya ng sampung minuto bago tumayo para pumunta sa CR. Pagkatapos niyang maligo lumapit siya sa lababo para mag-toothbrush, habang binabrush niya ang kanyang ngipin tumunog ang kanyang cellphone na nasa bulsa at sinagot iyon nang makita ang caller ID ni Chase.
Binigyan siya ni Chase ng goodluck at sinabi nitong galingan nila dahil tinaya niya lahat ng kanyang barya sa FTT, sobrang nakakapanghinayang naman daw kung hindi siya mananalo. Pagkatapos nilang mag-usap ni Chase kinuha niya ang kanyang jacket na nakasampay sa likod ng pinto at sinara ang dorm bago bumaba.
Sumakay na sila sa team van at pumunta sa venue. Maraming fans ang nag-aabang sa labas ng venue habang hawak ang mga merch. Dumating ang team van ng FTT at huminto iyon sa bukana ng venue, lumabs sila at maririnig ang malakas na sigawan ng mga fans habang kinakaway nila ang mga banners. Naglakad na sila papasok sa venue ngunit maya-maya lang may sumigaw na lalaki sa gitna ng maraming fans.
"BOSS!" Sigaw nito at nahulog sa harapan ni Jacian ang isang magaan na bagay.
Nahinto naman ang paglalakad ni Jacian at dinampot ang binato ng isang fan na nahulog malapit sa kanyang paanan. Nang kunin niya iyon, nakita niyang isa itong bracelet na gawa sa yarn at nakaburda doon ang kanyang IGN na 'Boss'
Kulay pink ang kulay ng yarn bracelet katulad ng kulay ng kanyang buhok, makapal iyon at may lock sa dulo. Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Jacian dahil hindi niya inaasahan na makakatanggap siya ng bracelet. Sinuot niya iyon sa kanyang kaliwang pulsuhan at nakangiting iniangat ang kanyang kamay para ipakita sa mga fans na ikinaingay ng mga fans. Tumango pa siya bago sumunod sa kanyang mga teammates.
Kinuha kaagad ni Lucky ang kanyang kamay pagkapasok nila sa break room para tingnan ang bracelet na suot niya. Hindi nito maiwasan ang hindi mamangha dahil sa ganda ng pagkakagawa, halatang nilagyan talaga ng effort para makabuo ng ganun kagandang bracelet. Bumagay din sa kamay ni Jacian dahil maputi siya at kitang kita ang pink na yarn bracelet sa kanyang pulsuhan.
"Mukhang dumadami na ang fans ni Jacian ah." Kantyaw ni Blue.
Awkward namang siniksik ni Jacian ang kanyang sarili sa pagitan ng sandalan ng sofa at armrest.
"Ang ganda ng bracelet." Komento ni Gem.
Maging si Just ay napatingin din sa kaliwang kamay ni Jacian para tingnan ang bracelet, tiningnan niya lang ito bago binawi ang kanyang paningin.
Ilang sandali ang makalipas nang kumatok na ang staff at ipaalam sa kanila na magsisimula na ang match. Tinanong ni Jacian kay Mrs. Sojurn kung p'wede niyang isuot ang bracelet sa match dahil narinig niya noon kay Coach Dang na hindi p'wedeng magsuot ng mga alahas o kung anong mga bagay na nakakaagaw atensyon. Pinayagan naman siya ni Mrs. Sojurn dahil hindi naman kumikinang ang suot niya.
Team GOT-G ang makakalaban nila ngayong match at pinakilala muna sila ni Ms. Phara bago magsimula ang trash talk segment. Makikita sa kabilang side kung nasaan ang GOT-G na nakangiti si Shadow habang nakatingin sa kanila, masama naman ang tingin ni Lessen kay Jacian na hindi binigyan ng atensyon ni Jacian, hinintay niya lang ang sasabihin ng host.
Sina Lessen at Just ang tinawag ng host para sa trash talk segment at mabilis lang natapos dahil si Lessen lang ang may sinabi, pinatamaan nito si Jacian na sinagot lang ni Just ng 'Mn'
Maririnig ang nanghihinayang na 'Ahhh...' ng mga fans dahil in-expect nilang igagantin ni Just si Boss ngunit hindi nangyari, hindi niya ginanti ang kanyang honeybam, anong nangyari sa honeybam dou? Hindi real ang honeybam dou!
Nang papunta na sila sa kanilang match area, naramdaman ni Jacian na bahagyang hinawakan ni Just ang kanyang balikat. Tinapik iyon ni Just bago umupo sa gaming chair.
Mabilis na natapos ang ban/pick phase dahil lahat ng mga heroes na gustong kunin ni Mrs. Sojurn ay hindi binan ng GOT-G. Binalikan ng mga fans ang match ng FTT at GOT-G nung third round at naalalang ganitong line-up ang ginamit nila ngunit 2-0 ang result. Anong plano ni Mrs. Sojurn? Gusto niya bang ma-2-0 ulit sila kahit sa huling match na ng regular season?
Sobrang squishy ng line-up ng FTT at ulo nila ang sumasakit mag-isip kung ano nanamang magic ang ipapakita ng FTT, bakit ang hilig ng FTT kumuha ng line-up na kinakailangan ng magic at masalimuot na strategy, hindi ba p'wedeng kumuha nalang ng line-up na may burst kaagad at madaling paganahin.
